Namamalimos, natutulog sa kalye bawal na sa Maynila
MANILA, Philippines - Huhulihin na at kakasuhan ang mga magulang ng mga batang namamalimos at pakalat-kalat na natutulog sa mga kalye at sidewalks sa Maynila.
Ito’y matapos na maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Konseho ng Maynila noong Agosto 11 ang “Anti-Child Endangerment Law of the City of Manila”, na naglalayong parusahan ang magulang o sinumang mag-aabandona o gagamit sa isang menor- de-edad kung saan nalalagay sa panganib ang buhay ng mga ito.
Ayon kay Manila 2nd District Councilor Rod Lacsamana, may akda sa ordinansa, layunin nitong maturuan ng leksiyon at maparusahan ang mga magulang na nagpapabaya sa kanilang mga anak.
Sinabi ni Lacsamana na hindi dapat na nilalagay sa anumang panganib ng isang magulang ang kanilang mga anak at walang anumang proteksiyon.
Ipinaliwanag ni Lacsamana na maraming batang nagpapalimos at gumagala sa kalsada ang karaniwang nagiging biktima ng krimen tulad ng pagkakasagasa at ginagamit ng mga sindikato.
Dahil dito, maaaring makulong ng isa hanggang anim na buwan at multang P2,000 hanggang P5,000, depende sa edad ng bata, ang sinuman na mapapatunayang nagpapabaya.
Giit pa ni Lacsamana, ang magulang ang siyang dapat na gumagabay sa maayos na paglaki ng kanilang mga anak at hindi dapat na ginagamit para sa kanilang kapakanan.
Dapat ding tiyakin ng mga magulang na mabibigyan ng sapat na edukasyon at kalinga ang mga anak at hindi dapat na iniiwan o pinababayaan.
- Latest
- Trending