MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang matinding atraso ang dahilan kaya pinagbabaril at napatay ang isang pedicab driver ng hindi pa nakilalang salarin sa Binondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Idineklarang dead-on-arrival sa Gat Andres Hospital ang biktimang kinilalang si Jomar dela Cruz, 24; at residente ng Happyland, Brgy. 105, Zone 8, Binondo, Maynila.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-4:55 ng umaga kahapon nang maganap ang insidente sa tapat ng Stylish Commercial sa panulukan ng C.M Recto at C. Planas, Binondo, Maynila.
Naglalakad lamang umano ang biktima nang tabihan ng armadong suspect. Nagawa pang makatakbo ng biktima nang makita ang suspect subalit nasapul siya ng paputukan. Bumagsak ang biktima at muli siyang pinaputukan ng ilang ulit sa bahagi ng katawan saka iniwang nakabulagta.
Naniniwala ang pulisya na kilala ng nasawi ang suspect, gayunman patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.