MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa dalawang milyong halaga ng mga pekeng Liquified Petroleum Gas (LPG) products ang kinumpiska ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa magkakasunod na pagsalakay sa 24 establisyemento sa Metro Manila at Cavite, iniulat kahapon.
Sa post operation report ng NBI-Intellectual Property Rights Division chief, Atty. Rommel Vallejo kay NBI director Magtanggol Gatdula, nasa 1,000 LPG cylinders, ang natuklasang pineke at nilagyan lamang ng tatak na “Shell,” “Shellane,” “Petron,” at “Petron Gasul” ang nakumpiska sa ilang tindahan noong Agosto 16 at 17.
Kabilang dito ang RB Gas; Ramvill LPG trading; Anick LPG Retail Outlet; AC John Trading LPG; Leng Trading / Bitoy’s LPG (warehouse); Delmont Gas LPG; at Cuadra Gas Marketing, sa Quezon City; Genaizah Enterprises; JBS Gaz Haus (store/ showroom); JBS Gaz Haus (storage/warehouse); Malate General Merchandise / Ivy Gas Retailer; at John Ryan Trading Company, pawang sa Maynila;
Ang Windglass Marketing sa Mandaluyong; JC Marquez Enterprise sa Pasay; Phildenter Marketing sa San Juan City; at Via Gaz Trading at Var Gas LPG express delivery, na nasa Marikina City.
Sinalakay din ang limang tindahan sa Cavite, na kinabibilangan ng Jacinta Germar; Gaz Hauz; 369 LPG Hauz; Bahai Gas Marketing-Branch 1; at 2 tindahan ng Russel Gas Trading.
Ang raid ay bunga ng reklamong idinulog ng Shell Gas (LPG) Philippines at Petron Corporation na kinatawan ng isang Bernabe Alajar ng Able Research and Consulting Services, Inc. Sinabi ni Vallejo na ikinasa na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Section 155.1 in relation to Section 170 ng Republic Act no. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines).