MANILA, Philippines - Dalawang sasakyan na kinabibilangan ng sasakyan ng gobyerno ang iniulat na tinangay ng mga carnapper habang nakaparada sa magkahiwalay na insidente kahapon sa lungsod Quezon.
Sa ulat na nakarating sa Quezon City Police Station 10, isang itim na Toyota Fortuner (NOG-594) na service vehicle umano ng Social Security System (SSS) na minamaneho ng isang Almario Asuncion, 43, security guard ang tinangay ng tatlong suspect na isa dito ay naaresto at itinago sa pangalang “Peter” 16, residente sa Caloocan City. Nakuha sa kanya ang isang kalibre 45 baril.
Si Peter ay nasa pangangalaga ngayon ng District Anti-Carnapping Unit ng QCPD sa Camp Karingal.
Sa inisyal na ulat ng PS10 nangyari ang insidente malapit sa LTO partikular sa panulukan ng Magalang at Malakas St., Brgy. Pinyahan ganap na alas 4:15 ng hapon.
Pinarada ni Asuncion ang nasabing sasakyan kasama si Ramonito Cortes para bumili ng sigarilyo sa tindahan.
Subalit iniwan ng dalawang nakabukas at umaandar ang makina ng sasakyan, sanhi upang sakyan ito ng dalawang suspect hanggang sa paandarin ito.
Sa kabila nito, hinabol umano ito ni Asuncion hanggang sa masabat nila si Peter habang nakaistambay sa lugar at may dalang baril. Hinala ng awtoridad maaring nagsilbing look out si Peter ng mga suspect kung kaya naroon ito at may dalang baril.
Samantala, tinangay din ang Toyota Hi-Ace Super Grandia model 2011 na pag-aari ng isang Cecile Padilla na naninirahan sa no. 69 J.M Basa St., Calumpang, Marikina City, at minamaneho ng kanilang driver na si Rodolfo Elpos, 49.
Base sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may Rosa Alvero St., malapit sa panulukan ng Esteban Abada St., Loyola Heights sa lungsod ganap na alas 8:30 ng gabi.
Base sa salaysay ng driver, kahahatid lamang umano niya sa kanyang mga amo sa isang restaurant sa may Katipunan, at saka naghanap ng mapaparadahan sa naturang lugar. Habang naghihintay nagpasya si Elpos na maghanap ng tindahan para bumili ng sigarilyo. Pero pagbaba niya sa saksakyan ay biglang sumulpot ang tatlong suspect na armado ng mga baril saka siya tinutukan at kinomando ang sasakyan.
“Pagbukas ko ng sasakyan, may sumakay na, sa kabila tinutukan ako ng baril, pagharap ko meron na ring isang tumutok sa ’kin, saka sinabihan ako na huwag na daw akong gumalaw,” sabi ni Elpos.