Fire officer inireklamo ng 4 na criminology student ng torture
MANILA, Philippines - Pinasisibak at pinadidis-armahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang isang fire officer matapos na ireklamo ng torture ng apat na criminology student ng City College of Manila (CCM).
Bukod sa pagsibak, pinasasampahan din ni Lim ng kasong administratibo si Senior Fire Officer 1 Nestor Chavez matapos na sumailalim umano sa physical at verbal abuse na sinasabing bahagi ng kanilang “on-the-job training” sa San Nicolas Fire Station sa Binondo, Maynila ang mga estudyanteng sina Christopher Sicat, Christine Sacopon, Juanito Galang and Maria Rosita Lagman. Nagtungo ang apat na estudyante kay Lim kasama si CCM president Atty. Solfia Arboladura.
Ayon sa mga mag-aaral natatakot sila ngayon dahil makaraang magsumbong nila ay sinabihan umano sila ni Chavez na bale wala sa kanya ng pumatay ng tao.
Agad na ipinatawag ni Lim si S/Supt. Joselito Quibin, district director ng Manila Fire Department para tutukan ang kaso at gawaran ng kaukulang aksiyon ang reklamo.
Inilahad ng mga estudyante na noong Agosto 16 bandang ala-una ng hapon habang nag-iinuman sina Chavez at mga kasamahang bumbero sa nasabing fire station ay nilapitan nila ito (Chavez) upang palagdain sa kanilang time logbook.
Subalit galit umanong tinanggihan sila ng lasing na si Chavez at sa halip ay pinahilera sila na nakadikit ang likod sa pader.
Unang nakatikim si Sicat ng suntok sa sikmura at sa dibdib mula kay Chavez habang may itinatanong na paliwanag sa isang military term kasabay ng pagyayabang na galing siya sa special action force.
Habang sina Sacopon at Lagman ay pilit na binabaluktot ang kanilang katawan pabaligtad sa pamamagitan ng paghawak sa kanilang mga noo na idinidikit sa dingding at inuutusang isigaw ang kanilang pangalan kasabay ng pagsuntok sa dingding katabi ng kanilang mga ulo.
Dahil sa hirap ng posisyon, hindi nagawa ni Lagman ang pinagagawa ni Chavez hanggang sa suntukin ng opisyal ang una at sabay sabi ng “Damn it!”
Napaiyak na lamang umano si Lagman at sa aktong sasaktan ni Chavez at niyakap na ito ni Sapocon.
Nang tigilan umano sila ni Chavez ay pumunta muna sila sa San Lazaro Fire Station para magreklamo subalit sinabihan sila ng isang “Major Afalla” na ang nangyari ay normal practice at binalaan pa silang babalikan kung magsumbong kay Lim.
- Latest
- Trending