MANILA, Philippines - Patay ang isang robbery suspect na wanted sa batas dahil sa panghoholdap at pagpatay sa isang nursing student matapos na makipag-engkuwentro sa mga umaarestong awtoridad sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Chief Insp. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police ang nasawing suspect na si Geovanni P. Drona, alyas “Banong”, ng Sumanan St., corner 18th Avenue, Murphy, Cubao sa lungsod.
Base sa rekord ng pulisya, lumilitaw na si Drona ay may warrant of arrest na ipinalabas ng Quezon City Regional Trial Court branch 220 sa kasong robbery with homicide.
Ang kaso ay nag-ugat nang holdapin nito at mapatay ang nursing student na si Diana Divina, noong September 16, 2006 sa may 19th corner Boni Serrano Avenue, sa lungsod.
Bukod dito, may isa pang warrant of arrest si Drona sa Municipal Trial Court Fourth Judicial Region ng San Mateo Rizal sa kasong direct assault with attempted homicide, Nasa listahan din si Drona ng mga suspect sa iba’t ibang iligal na aktibidad sa lungsod.
Sa ulat ni PO3 Modestino Juanson, may-hawak ng kaso, nag-ugat ang insidente nang magsagawa ng operasyon ang tropa ng CIDU laban sa suspect sa mismong tinutuluyan nito ganap na alas-4 ng madaling-araw.
Sinasabing nang aarestuhin ng mga operatiba ng CIDU sa pamumuno ni SPO4 Alan dela Cruz ay pinaputukan ito sanhi para gumanti ng putok ang mga huli at mauwi sa engkuwentro.
Matapos ang palitan ng putok ay nakitang nakabulagta ang biktima at wala ng buhay.
Nakarekober din ng operatiba sa bahay ni Drona ang dalawang plastic sachet ng shabu.