Parak cop, 4 pa huli sa gun running
MANILA, Philippines - Lima katao kabilang ang isang bagitong pulis ang inaresto ng mga operatiba ng Headquarters Support Service (HSS) at PNP-CIDG kaugnay ng pagkakasangkot sa ilegal na aktibidades ng gun running sa isinagawang operasyon sa Camp Crame at Cubao, Quezon City, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni PNP-CIDG chief P/Director Samuel Pagdilao Jr. ang nasakoteng parak na si PO1 Jerome Javier, 26, ng Maligaya Park Subdivision, Caloocan City; Jordan Abero, 26; Virgilio Catangay, 48; Arnold Valencia, 33 at Flor Beros, 39.
Nakumpiskahan rin si Javier ng tatlong cal. 45 pistol, apat na magazine ng cal. 45; extra barrel ng cal 45 silencer at mga bala.
Ayon kay Pagdilao si Javier ay nasakote sa loob ng Police Non-Commissioned Officer (PNCO) quarter sa Camp Crame dakong alas-12 ng tanghali noong linggo habang nagbebenta ng cal .45 pistol na gawa sa Cebu sa tatlong sibilyan.
Sa interogasyon ay inamin ni Javier sa mga imbestigador na ang kanyang supplier ay isang alyas Ate Flor na natukoy na si Flor Beros.
Nagsagawa naman ng entrapment operations ang mga pulis sa isang parking area sa Edsa, Cubao, Quezon City laban kay Beros na nasakote at nasamsaman ng isang cal. 45 pistol at iba pang accessories ng baril na binalot nito sa diyaryo.
Ikinanta naman ni Beros sa mga awtoridad na isang alyas Kalbo ang lider ng gun running syndicates na kaniyang kinabibilangan. Sa isinagawang follow up operations ay nasakote naman ang iba pa sa mga suspect.
- Latest
- Trending