MANILA, Philippines - Mistulang nag-piyesta ang hindi mabilang na “yosi kadiri” sa Metro Manila nang muling ibalik ang lantaran at walang pakialam sa kapwa na paninigarilyo matapos na magpalabas ang Mandaluyong City Regional Trial Court ng “temporary restraining order (TRO)” laban sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kampanya nitong “smoking ban”.
Sa monitoring ng MMDA, tila lalong nagkalakas-loob manigarilyo ngayon sa mga pampublikong sasakyan, mga kalsada, bangketa at maging sa labas ng ilang simbahan at mga pampublikong gusali ang mga “smokers” na Pinoy.
Sa kabila nito, sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na tanging sa mga kalsada at bangketa lamang ang sakop ng TRO na inilabas ng korte at patuloy pa rin umano silang manghuhuli sa mga bus at jeepney terminals, sa loob ng mga pampublikong sasakyan, pampublikong gusali at mga parke.
Tanging ang MMDA lamang umano ang binigyan ng TRO ng korte kung saan malaya pa ring makapanghuhuli ang mga enforcers ng mga lokal na pamahalaan. Sinabi ni Tolentino na halos lahat ng 17 lungsod at munisipalidad sa Metro Manila ay may ordinansa laban sa paninigarilyo sa pampublikong lugar ngunit tanging ang lungsod ng Navotas, Caloocan, Muntinlupa, Parañaque at maging ang Mandaluyong ang eksaktong nagsasama sa mga pampublikong lugar ang mga “open spaces” tulad ng mga kalsada at bangketa.