MANILA, Philippines - Isang pastor na Nigerian ang inaresto dahil sa kasong panloloko sa kanyang mga kababayan sa isang entrapment operation sa Caloocan City kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Stephen Tetteh, 30, Church Minister ng Brgy. Tumana, Santa Maria, Bulacan.
Dakong alas-4:30 ng hapon nang madakip ang suspek sa loob ng isang fastfood sa panulukan ng Zabarte, Camarin, ng nasabing lungsod. Ito ay base sa reklamo nina Akande Jumoke at Fidelis Markus, kapwa Nigerian national at parehong pansamantalang naninirahan sa Phase 1, Bagong Silang, Caloocan City.
Sinabi ng mga ito na hinikayat sila ng suspek patungong Canada at Lebanon para magtrabaho kapalit ng malaking halaga ng salapi subalit nang maibigay ng mga ito ang perang hinihingi may ilang buwan na ang nakalipas ay hindi pa sila nakakaalis. Katwiran ni Tetteh ay kailangan pa ang karagdagang malaking halaga. Dahil dito, naghinala na ang mga biktima kung kaya’t nagpunta ang mga ito sa pulisya para magsampa ng reklamo laban sa suspek.
Kaagad namang nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng CIDG, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek kung saan nakuha rito ang dalawang pirasong P500 na mark money.
Si Tetteh ay nahaharap sa mga kasong illegal recruiter, human trafficking at estafa sa piskalya ng Caloocan City.