Driver dedo sa kapwa driver

MANILA, Philippines - Patay ang isang tricycle driver matapos barilin ng kapwa driver makaraang talunin ng una sa suntukan ang huli sa Ma­labon Ciy kahapon ng umaga. Namatay habang ginagamot sa Pagamutan ng Lungsod ng Malabon sanhi ng tama ng bala sa katawan ang biktimang si Alfredo Almario, 32, ng Brgy. Tañong ng nabanggit na lungsod. Hinahanting naman ng pulisya ang suspek na si Reynaldo David, nasa hustong gulang, taga-Phase 3, Dagat-Dagatan, Caloocan City. Sa inisyal na report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:45 ng umaga sa isang tindahan malapit sa bahay ng biktima sa nabanggit na lugar. Bumibili ang biktima ng sigarilyo, nang dumating ang suspek na galit na galit at kinompronta. Nauwi ito sa suntukan na dito natalo at naagrabiyado ang suspect. Dahil walang ibubuga sa suntukan mabilis na tinungo ng suspect ang kanyang tricycle at doon kinuha ang nakatagong baril saka ibinaril sa biktima.

Show comments