MANILA, Philippines - Ipinakalat na ng QC government kasama ang Department of Science and Technology (DOST) at Department of Health (DOH) ang 3,000 ovi/larvicidal trap (OVI trap) sa mga lugar na may mataas na kaso ng dengue.
Ayon kay Dra. Antonieta Inumerable, QC Health Officer, ang OVI trap ay isang Filipino made organic trap system na inilalagay sa tubig na posibleng pamugaran ng lamok na nagtataglay ng dengue.
Oras aniya na mailagay ang ovi larvicidal trap ay agad nang mamatay ang itlog at larva ng lamok.
Ilan sa mga lugar na itinuturing na priority ng QC government ang Barangay Bagbag, San Bartolome, Gulod, Commonwealth, Batasan Hills at Holy Spirit na rito naitala ang mataas na kaso ng dengue.
Ayon kay Inumberable, nasa alert threshold level na ngayon ang QC government na ibig sabihin ay pinapayuhan ang lahat ng mga residente na maglinis ng bakuran dahil sa tumataas na kaso ng dengue.
Base sa pinakahuling talaan ng QC health department, hanggang noong August 4,2011 pumalo na sa 3,161 na kaso ng dengue mula buwan ng Enero, kung saan mas mataas ito sa 1,264 na kaso ng dengue na naitala sa kaparehong mga buwan ng nakaraang taon.
Umakyat na rin sa 23 katao ang namamatay ngayong taon dahil sa dengue kumpara sa 13 katao na namatay noong 2010 sa kaparehong period.