MANILA, Philippines - Sinamantala ng nag-iisang karnaper ang ginawang pag-ihi ng isang taxi driver saka tinangay ang minamaneho nitong taxi sa Quezon City, kahapon ng madaling-araw.
Bukod sa minamanehong taxi, natangay din ng karnaper ang perang kinita ng biktimang si Efren Mendoza, na nakalagay sa pitaka.
Ayon kay Mendoza, nangyari ang insidente sa may Kaingin Road corner EDSA, malapit sa urinal ng MMDA.
Sinasabing nagpasya si Mendoza na iparada ang kanyang taxi matapos na makaramdam ng pag-ihi.
“Umihi lang ako, nang lingunin ko may tao na sa loob ng taxi ko. Pagpunta ko, pinaandar na, hindi ko na naabutan,” sabi ni Mendoza.
Bukod sa taxi na tatak “Mama” (TXJ-896) ay naroon din ang kanyang pitaka na naglalaman ng kinita sa buong magdamag na pamamasada.
Sinasabing nakagawian na ng maraming taxi drivers na hindi i-lock ang kanilang sasakyan sa sandaling magbabawas o iihi sa isang lugar na kung saan sila sumpungin nito.
Inalarma na ng pulisya ang nasabing taxi sa lahat ng presinto sa lugar para sa posibleng pagrekober dito, habang patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.