MANILA, Philippines - Binuksan ng Quezon City health department ang dengue express lanes sa 61 health centers sa QC upang mabigyan ng kagyat na medical attention ang mga pinaghihinalaang may dengue lalo na ang mga nakatira sa mga barangay na nasa ilalim ng alert threshold level.
Sa ngayon, isinailalim ng city health department sa ilalim ng strict monitoring ang apat na barangays sa District 2 na sinasabing may pinaka maraming bilang ng kaso ng dengue sa unang pitong buwan ng taong kasalukuyan tulad ng Barangay Bagbag, San Bartolome, Commonwealth at Batasan Hills.
Ayon kay QC health officer Antonieta Inumerable, sa 173 dengue cases, dalawa na ang namatay sa Barangay Bagbag mula Enero hanggang Agosto 4 habang sa San Bartolome na may 168 cases ay may isa na ang namatay.
Ang Brgy. Commonwealth ay may 146 kaso at dalawa dito ay namatay samantalang ang Brgy. Batasan Hills ay may 146 dengue cases at tatlo ang namatay dito.
Mula Enero hanggang Agosto 4 ng taong ito, ang city health department ay nakapagtala ng 3,161 dengue cases o may 146.2 percent na mas mataas sa 1, 284 cases na naitala sa kaparehong period ng 2010
Una rito, muling pinaalalahanan ni QC Mayor Herbert Bautista ang mga taga QC na ugaliing linisin ang mga paligid upang maiwasan na magkaroon ng breeding grounds ang mga lamok araw na may dalang dengue at hindi na madagdagan pa ang kaso ng dengue sa QC.