MANILA, Philippines - Ipinagharap kahapon ng kasong frustrated murder sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office ang suspek na sinasabing responsable sa pananaksak kay Miss Earth 2008 winner Karla Paula Henry. Ayon kay Supt. Armando Bolalin, hepe ng Mandaluyong City Police, inin-quest na nila sa piskalya ang suspek na si Jherome Quibuyen, 29, binata, tubong Sta. Barbara, Victoria, Tarlac at pan samantalang naninirahan sa Unit 80 Anaheim Tower, California Garden Square ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na ang pananaksak sa biktima ay naganap dakong alas-5:45 ng madaling araw kamakalawa sa stairway ng Anaheim Tower 3, California Garden Square Condominium, Libertad cor. Calbayog Sts., Mandaluyong City. Ayon sa report, sinundan ng suspek ang biktima matapos nitong maiparada ang kanyang kotse sa parking lot at habang naglalakad sa stairway ay walang sabi-sabing inundayan ng saksak ng basag na bote sa likurang bahagi ng katawan.
Sinasabing nakasigaw ng malakas ang biktima na siyang dahilan upang mabilis na magresponde ang mga guwardiya ng condominium na nagresulta ng pagkakadakip ng suspek.
Agad din isinugod ang bik tima sa Victor Potenciano Medical Center (VPMC) sanhi ng tama ng saksak ng basag na bote sa likuran bahagi ng katawan at idineklarang ligtas na sa tiyak na kapahamakan.