Doktora timbog sa pagbebenta ng 'sample' na mga gamot
MANILA, Philippines - Timbog sa isinagawang entrapment operation ng mga kagawad ng City Hall Action and Police Assistance (CHAPA) ng Manila Police District (MPD) ang isang doktora na nagpapatakbo ng isang medical clinic sa aktong nagbebenta ng ilang kilalang gamot na may tatak na ‘samples’ at ‘not for sale’ sa kaniyang mga pasyente sa Sampaloc, Maynila, Miyerkules ng gabi.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Section 26 ng Republic Act 5921 (Inhibition to the sale of drug samples) sa Manila Prosecutor’s Office ang suspect na si Dra. Lilian Manicad, 62 at residente ng Don Quijote St., Sampaloc, Maynila.
Ang operasyon ay isinagawa matapos na makatanggap na dumulog sa tanggapan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang isang Roel Carino, 38, messenger at residente ng Sandico St. Tondo, hinggil sa ginawang pagbebenta sa kaniya ng doktora ng mga gamot na sample.
Ayon kay Carino ipinakonsulta niya ang kanyang anak sa nasabing manggagamot at niresetahan ng tatlong klaseng gamot at sa klinika nito na Manicad Medical Clinic ay may ibenebenta itong mga gamot na inialok sa kaniya.
Nang tingnan ang mga gamot ay may nakatatak na ‘sample’ at ‘not for sale’ na inisip niyang dapat ay ibigay na lamang ng libre lalo’t mabigat sa kaniya na bumili nito.
Iniutos ng alkalde na dakpin ang suspect sa nasabing paglabag at ikinasa ang entrapment kung saan nagpanggap na magpapakonsulta at bibili din ng gamot ang tauhan ni Reyes na si PO2 Rodel Maligon. Nang abutin na ng suspect ang P200 ay inaresto na ang suspect at ipinaliwanag sa kaniya ang nagawang paglabag sa batas. Narekober mula sa klinika ng suspect ang iba’t-ibang uri ng gamot na ‘samples’ na ginamit na ebidensiya sa kaso.
- Latest
- Trending