TV 5 crew pinahuli ni PNoy dahil nag-counter flow
MANILA, Philippines - Tulad ng kanyang kampanya na bawal ang ‘wangwang’ at counter flow, mismong si Pangulong Benigno Aquino III ang nagpahuli sa isang service vehicle ng isang television network makaraang sumalubong sa kanilang convoy sa Roxas Boulevard, Pasay City kahapon ng umaga.
Nabatid na galing sa isang aktibidad sa SMX Convention Center sa Pasay City ang Pangulo at pabalik na ng Malacañang ang kanyang convoy kasama ang television crew ng TV 5 network.
Sa halip na sumunod sa linya ng convoy, sinalubong ng news vehicle ng naturang network ang kahabaan ng Pedro Bukaneg street upang mauna sa convoy. Tiyempo namang nag-pula ang stoplight sa kanto ng Roxas Boulevard kung saan gaya ng nakagawian ni P-Noy ay pinahinto nito ang convoy.
Nakalagpas naman sa convoy ang behikulo ng TV at eksaktong nakasalubong ang sasakyan ng Pangulo nang tangkain nitong bumalik sa tamang linya. Dito na inutusan ni Pangulong Aquino ang kanyang “motorcycle squad” na arestuhin ang driver ng naturang news vehicle.
Nabatid na tanging driver at ilang news crew ang lulan ng naturang inarestong behikulo at walang kasamang reporter kung saan tinikitan ang driver nito dahil sa kanilang paglabag sa batas trapiko.
Matatandaan na ang unang ipinatupad ni P-Noy sa kanyang pag-upo ang pagbabawal sa paggamit ng “wang-wang” at “counter flow” sa mga kalsada na ginagawa mismo nito upang pamarisan ng taumbayan.
- Latest
- Trending