Importer kinasuhan ng BOC sa pinekeng tariff-free forms
MANILA, Philippines - Ipinagharap ng reklamong smuggling o Section 3602 ng Tariff and Customs Code of the Philippines sa Department of Justice (DOJ) ang isang importer ng tela na gumagamit umano ng pekeng tariff-free forms para makalibre sa pagbabayad ng buwis.
Sa reklamo ng Bureau of Customs (BOC), si Julianna Oriel Octavio, importer at may-ari ng Adventure Trading ay gumamit ng pekeng ASEAN Common Effective Preferential Tariff o ASEAN CEPT form para makaiwas sa pagbabayad ng buwis sa kanyang mga inangkat na tela.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang customs broker na si Geraldine Purog.
Ayon sa rekord ng BOC, nagawang maipasok sa bansa noong Nobyembre 10, 2010 ang 593 packages ng mga tela mula sa bansang Thailand na naka-consign sa Adventure Trading.
Pero nakaiwas umano sa pagbabayad ng 10% na buwis ang importer ng tela dahil sa isinumite nitong ASEAN CEPT form na kalaunan ay natuklasang invalid o walang bisa dahil wala iyong lagda ng kinauukulang opisyal.
Aabot umano sa mahigit P4.6 millyon ang halaga na kailangang bayaran sa gobyerno ng Adventure Trading dahil sa nasabing pandaraya.
- Latest
- Trending