MANILA, Philippines - Nalansag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang sindikato na nagbebenta ng mga pekeng sexual enhancement pills o mas kilala sa tawag na ‘viagra’ na nagpapakalat umano sa Regions III at IV-A sa isang entrapment operation kamakalawa ng hapon.
Pansamantalang hindi muna ibinunyag ni NBI-Intellectual Property Rights Division chief, Atty. Rommel Vallejo ang mga pangalan ng tatlong naaresto upang hindi umano mapre-empt ang kanilang follow-up operation laban sa mga iba pang miyembro ng sindikato.
Nabatid na ang pekeng Viagra na isang kulay blue na pidoras ay orihinal na gawa ng drug company na Pfizer, na siya namang naghain ng reklamo sa NBI, sa pamamagitan ng kinatawang si Atty. Dan Antonio.
Sa sumbong ng Pfizer, ibenebenta ang pekeng gamot sa Region III at IV-A partikular sa Batangas, Laguna, Nueva Ecija, at Pampanga sa halagang P95 kada kahon kumpara sa presyo ng orihinal na P3,000.
“Delikado ang pag-inom ng fake Viagra dahil nang ipa-test yung fake tablets iba ang chemical content, hindi natin alam kung anong chemical content,” ayon sa kinatawan ng drug company.
Ikinasa ang entrapment ng mga tauhan ng NBI-IPRD at isa ang nagpanggap na bibili ng 1,000 kahon ng viagra, sa napagkasunduang fast food restaurant sa Angeles City dakong ala 1-ng hapon nitong Agosto 10. Inihahanda na ang isasampang kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 laban sa mga suspect.