2 holdaper patay sa engkuwentro
MANILA, Philippines - Patay ang riding in tandem matapos na makipagpalitan ng putok ng baril sa mga tauhan ng Manila police matapos na umano’y mangholdap sa isang babae sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Inilarawan ni SPO2 Ed Cabal ng Manila Police District-Homicide Section ang isa sa mga suspect na nasa gulang na 35-40, 5’4 ang taas, brown na stripe ang t-shirts, maong na shortpants, may tattoo sa kanang balikat na “Ran2X Bantaya” at logo na tattoo, indikasyong miyembro ng “Bahala na Gang” nakatsinelas ng pula, habang ang kasama nito ay nasa 30-35 anyos, 5’4 ang taas, payat, nakasuot ng jacket na puti, apple green na panloob na t-shirt , maong na shortpants, tsinelas na plastic (brown) at tattoo na “Clemente Sunga” sa bandang itaas ng kanang dibdib at “Tuklaw Lita” naman sa kanang itaas na bahagi ng hita. Sila ay kapwa armado ng kalibre .38 baril (paltik).
Nabatid na dakong alas-11:30 ng gabi, nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng España Boulevard, panulukan ng Algeciras St., sa Sampaloc.
Unang inireport na rumesponde ang mga tauhan ni Supt. Jemar Modequillo, sa reklamo ng isang Carmiline Palacol, 20, dalaga ng Paco, Maynila na hinoldap ng riding in tandem.
Tinutukan umano siya ng baril ng dalawang suspect habang nag-aabang ng masasakyang dyip sa panulukan ng Pureza at Ramon Magsaysay Boulevard sakop ng Sampaloc.
Namataan naman ang dalawang suspect na sakay ng Sym motorcycle na walang plaka at hinabol ito nina PO2 Reynaldo Olivo at PO2 Benito Casauay sa España St., imbes na sumuko ay pinaputukan ng mga ito ang mga awtoridad dahilan para gumanti ng putok ang mga huli na ikinatama ng dalawang suspect.
- Latest
- Trending