Rollback kulang! - PISTON
MANILA, Philippines - Kulang at hindi matatawag na rollback ang ipinatupad na bawas sa halaga ng diesel na 50 sentimos sa kada litro at P1 sa gasolina.
Ayon sa militanteng grupo na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), labis silang nakukulangan at hindi sapat ang ipinatupad kahapon na 50 sentimos rollback sa diesel at P1 rollback sa gasoline kayat muli nilang kinakalampag ang pamahalaang Aquino na imbestigahan ang overpricing sa langis at pakinggan ang matagal nang panawagan ng kanilang hanay na tapusin na ang deregulasyon sa industriya ng langis sa pamamagitan ng pagbasura sa Oil Deregulation Law, gayundin ang pag-alis sa 12 percent VAT sa langis.
Nais din ng PISTON na isulong ng pamahalaan ang pagbawi ng gobyerno sa Petron bilang isa sa mga susing hakbang sa pagsisimula ng nationalization ng oil industry sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni PISTON Secretary General George San Mateo na ang mga naturang hakbang ang maglilikha ng daan upang magkaroon ng tunay na seguridad sa suplay sa langis ang Pilipinas habang pinapanatiling abot-kamay ng mga public transport drivers, operators, pribadong motorista at consumers ang presyo ng langis sa bansa.
Kaugnay sa panibagong rollback, sinabi ni San Mateo na masyadong maliit ito kung ihahambing sa laki at dalas ng pagtaas sa presyo ng langis na ipinatupad ngayong taon ng mga oil companies. Anya, nakapagtala na ng 18 beses na pagtaas sa presyo ng diesel at gasoline ang mga oil companies ngayong taon, samantalang 8 beses lang ang naitalang rollback sa diesel at 9 beses sa gasoline.
- Latest
- Trending