Bangkay sinilid sa balikbayan box
MANILA, Philippines - Sa halip na bomba, isang bangkay ng lalaki ang nakita ng mga tauhan ng Manila Police District-Explosive Ordnance Division (MPD-EOD) sa loob ng isang ‘balikbayan box’ na iniwan sa tapat ng isang construction site, sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng hapon.
Nabatid na isang Edgardo Abaton, security guard ng isang construction site, ang tumawag sa MPD-District Tactical Operation Center para respondehan ang pagkakaroon ng hinihinalang bomba sa isang balikbayan box, na iniwan sa panulukan ng Instruccion at España sts., sa Sampaloc, dakong ala 1-ng hapon, kahapon.
Nang magtungo sa lugar ang MPD-EOD, nakita na isang bangkay ng lalaki na sinasabing markado ng lubid ang leeg na hinihinalang binigti hanggang sa mapatay bago ibinalot sa garbage bag at ipinasok pa sa isang balikbayan box.
Inilarawan ang biktima na nasa edad na 30-40, nakasuot ng kulay puting t-shirt at short pants, at kilala sa alyas na “Bert” at pagala-gala sa lugar.
Isang 12-anyos na batang lalaki ang nakapagsabi sa awtoridad na may isang sasakyan na huminto sa lugar at inihulog ang nasabing balikbayan box, bago humarurot.
- Latest
- Trending