MANILA, Philippines - Nilagdaan na kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis N. Tolentino ang tatlong magkakahiwalay na implementing guidelines para sa pagkontrol sa paglalagay ng mga billboards at advertising signs sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ang unang alintuntunin ay may kinalaman sa pag-iisyu ng structural at locational clearances para sa billboard operators. Nakapaloob dito na ang mga local government units sa pamamagitan ng Office of the Mayor ang siyang mag-iisyu ng permit o tinatawag na locational at structural clearances sa kani-kanilang mga nasasakupan. Bukod dito ang mga local chief executives rin ang maaaring mag-utos para sa demolisyon o pagbaklas ng mga billboards na lalabag sa anumang batas o ordinansa at maaaring humingi ng tulong sa MMDA kung kinakailangan.
Samantala ang MMDA ang siyang mahigpit magpapatupad ng National Building Code provision ukol sa mga billboards sa mga major at national roads na nasa hurisdiksiyon nito. Bukod dito, nakasaad pa rin sa alituntunin ang pagsunod sa paglalagay ng billboards tulad ng one hundred-meter minimum radius sa pagitan ng signs gayundin ang pagbabawal ng roof signs.
Ang pangalawang regulasyon ay ukol naman sa laman o larawang nakalagay ng billboards na kung saan ay nakapaloob dito na lahat ng advertisers, owners at operators ng billboards ay dapat sumunod sa itinakdang Code of Ethics for advertising and promotions ng kani-kanilang sariling grupo o asosasyon.
Samantala ang pangatlong guideline ay ukol naman sa billboard height at size requirements. Ang mga billboard at billboard structures ay hindi pahihintulutan sa kahabaan ng Roxas Boulevard at Macapagal Avenue habang sa ibang lugar sa Metro Manila ay limitado ang taas ng billboard at billboard structures na idedetermina ng local government units.