MANILA, Philippines - Idinulog na ng isang opisyal ng Development Bank of the Philippines (DBP) sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kasong pagpapatiwakal ng isa nilang abogado na kabilang sa naatasang mag-imbestiga sa mga transaksiyon sa DBP ng nakalipas na administrasyong Arroyo.
Personal na nagtungo noong Biyernes sa tanggapan ng NBI si DBP chief legal counsel, Atty. Benilda Tejada para magsumite na rin ng mga dokumento na naiwan ng namayapang si Atty. Benjamin Pinpin, na napaulat na nagpakamatay noong Agosto 2, sa comfort room ng isang hotel sa Las Piñas City.
Ayon kay Tejada, hinihiling nila ang tulong ng NBI sa pag-iimbestiga sa pagkamatay ni Pinpin.
Nais ni Tejada na mabusisi ng NBI ang police report at mga dokumentong natagpuan sa sasakyan ni Pinpin na kinabibilangan ng kopya ng suicide note, kopya ng security report kaugnay ng di umanoy pagpapatiwakal nito at mga dokumento tungkol sa pakikipag-ugnayan ni Pinpin sa DBP management.
Si Pinpin ay sinasabing bahagi ng grupo na inatasang mag-imbestiga sa mga naging transaksyon ng DBP sa administrasyon ni Pangulong Arroyo.
Naniniwala si Tejada na may dapat tukuyin sa dahilan ng nasabing pagpapakamatay.
Nabatid na nasa kalagitnaan pa lamang ng isinasagawang imbestigasyon ang grupo ni Pinpin sa mga kwestiyunableng transaksiyon sa nasabing banko nang isa gawa nito ang pagpapakamatay.