MANILA, Philippines - Nasa malubhang kalagayan ang isang motorcycle rider makaraang agawan ng motorsiklo at barilin pa ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin, kahapon ng madaling-araw sa Marikina City.
Ginagamot ngayon sa Amang Rodriguez Medical Center ang biktima na nakilalang si Michel Valencia, 33, isang parking attendant, at naninirahan sa Brgy. Barangka, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Marikina police, naganap ang insidente dakong alas-5:45 ng umaga habang sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo papasok sa trabaho. Huminto ito sa kulay pula ng stoplight sa may A. Bonifacio Avenue nang tabihan ng tatlo pang motorsiklo na pawang may mga angkas.
Isa sa mga salarin ang mabilis na bumaba sa pagkakaangkas at inagaw nito ang motorsiklo ng biktima, subalit tumanggi ito at nanlaban kung kaya’t dalawa sa mga suspek ang bumunot ng baril at pinaputukan ang biktima na dalawang beses kung saan tinamaan ito sa likod at sa kaliwang paa.
Isang taxi driver naman ang nakasaksi sa insidente at natandaan ang plakang UP-2323 ng isa sa motorsiklo na gamit ng mga salarin. Agad ring isinugod ng naturang taxi driver ang biktima sa naturang pagamutan.
Nang alamin naman sa Land Transportation Office (LTO) ang numero ng plaka, nabatid na buhat ito sa isang motorsiklo na ninakaw rin ng mga salarin sa isang lugar sa Mandaluyong City.