MANILA, Philippines - Panibagong grupo ng mga dayuhang sindikato sa international telephone fraud ang nadakip sa ginawang pagsalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang call center sa Marikina City, kamakalawa ng hapon. Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Malabon Regional Trial Court Judge Zaldy Docena, sinalakay ng NBI ang isang residential house sa Pres. Laurel St., Industrial Valley Complex sa Marikina City dakong alas-3:30 ng hapon, kung saan naaresto ang limang dayuhan na sinasabing pawang operator ng isang call center.
Kinilala ang mga suspect na sina Chang Hung-Yi, Chen Chun-Hsien, Hsieh Fu-Chin, Chen Hung-Lun at Ho Wei-Hung na nagmula umano sa Taiwan. Nagpapakilala ang mga miyembro ng sindikato bilang judge, prosecutor o kaya’y police officer sa kanilang mga nabibiktima sa mainland China at Taiwan.
Noong Mayo ng taong kasalukuyan, isang grupo din ang nadakip sa katulad na cyber crimes sa Pasig City. Noong nakalipas naman na Hulyo 20, nadakip din ng NBI ang may 38 foreign hackers sa dalawang magkasabay na pagsalakay sa kilala at class na mga subdibisyon sa Parañaque City.
Narekober sa pinakahuling raid ang scripts na pinaniniwalaang gamit sa modus upang makumbinse ang mga biktima, bukod sa mga internet connections at computer units. Sinampahan na ng mga kasong paglabag sa Republic Act 8484, (or an act regulating the issuance and use of access devices and prohibiting their fraudulent) sa Marikina City Prosecutors Office ang mga suspect.