Lider, 3 galamay ng Nueva Ecija robbery gang tiklo
MANILA, Philippines - Nalansag ng mga awtoridad ang notoryus na Nueva Ecija robbery/holdup gang na aktibong nag-ooperate sa Metro Manila matapos masakote ang lider ng grupo at tatlo pa nitong tauhan sa operasyon sa Parañaque City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni PNP-CIDG chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang nasakoteng lider ng grupo na si Brgy. Councilor Lamberto Cunanan, 42, ng Sta. Rosa, Nueva Ecija at ang kanang kamay nitong security guard ng NBBS sa Malabon City na si Osmar Villar, 26; Nomer Sanqui, 39 at Franklin Hizon, 27.
Bandang alas-4 ng hapon ng makatanggap ng impormasyon ang CIDG-Anti-Organized Crime Division (CIDG-AOCD) sa pamumuno ni Sr. Supt. Ronald Estilles hinggil sa planong panghoholdap ng grupo ng mga suspek na nakabase sa Nueva Ecija sa isang establisimento sa lungsod.
Agad nagsagawa ng operasyon ang CIDG-AOCD at bandang alas-11 ng gabi kamakalawa ng maispatan nila ang isang hinihinalang hot car na kulay pulang Isuzu Fuego (WDC 781) na sinasakyan ng apat na suspek na kanilang sinundan.
Sinabi ng opisyal na nagsibaba sa behikulo ang mga suspek at pumosisyon sa lugar na plano ng mga itong holdapin kung saan hindi na nag-aksaya ng pagkakataon ang mga tauhan ni Estilles na dakpin ang mga suspek bandang alas-12:30 ng madaling-araw matapos na makita na armado ang mga ito ng mga baril.
Sinabi ni Pagdilao, kasalukuyan na nilang iniimbestigahan ang posibilidad na ang grupo ng mga suspek ang sangkot rin sa mga kaso ng carnapping at robbery/holdup sa Quezon City at iba pang bahagi ng Metro Manila.
- Latest
- Trending