Binata tinaniman ng bala sa ulo

MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang 31-anyos na lalaki makaraang barilin nang malapitan sa ulo ng isang hindi pa nakikilalang salarin­ habang nakatayo sa isang sari-sari store, kama­kalawa ng gabi sa Makati City.

Nakilala ang nasawi na si Michael Balte, binata, ng Brgy. Pembo, ng naturang lungsod. Patuloy namang ina­alam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng salarin na bumaril dito matapos na matagumpay na makatakas makaraang isagawa ang krimen. 

Sa ulat ng Makati police, naganap ang pamamaslang da­kong­­ alas-10:40 ng gabi sa tapat ng isang tindahan sa may Lirio St., Brgy. Pembo. 

Nakatayo sa naturang lugar ang biktima nang lumapit ang isang lalaki at sunud-sunod na pinaputukan ito sa ulo. Narekober ng pulisya ang dalawang basyo ng kalibre .45 baril na ginamit ng salarin sa pamamaslang.

Bineberepika naman ng pulisya kung gusot sa iligal na droga ang motibo ng naturang krimen makaraang ilan sa mga kapitbahay ang tumukoy na sangkot umano sa bentahan nito ang biktima sa kanilang lugar.

Show comments