MANILA, Philippines - Isang Cambodian ang inaresto at kasalukuyang nakakulong sa Bureau of Immigration (BI) matapos na gumamit ng pekeng dokumento upang makapag-apply ng Philippine passport.
Kinilala ni BI intelligence chief Maria Antonette Bucasas-Mangrobang ang inarestong si Edy Hu, 61, isang Cambodian.
Ayon kay Mangrobang si Hu na ngayon ay nakakulong sa immigration jail sa Bicutan, Taguig City ay itinuturing na undesirable alien.
Sinabi ni Mangrobang na ilalagay si Hu sa blacklist upang hindi na makabalik pa ng Pilipinas.
Nabatid na nagsumite ng pekeng mga dokumento si Hu gayundin ang pekeng pirma ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr.
Nakalagay ang pekeng pirma ni David sa certificate na si Hu ay nakatira sa Sta. Cruz, Manila at ipinanganak noong Hulyo 16, 1950.
Dahil dito, ibinunyag ni Hu na isang nagngangalang Nick Waquiz ang kanyang “fixer” na gumawa ng mga pekeng marriage contract at Philippine birth certificate sa halagang P40,000.
Dinala naman si Waquiz sa National Bureau of Investigation at nakatakdang sampahan ng kasong falsification of public documents.