MANILA, Philippines - Nakumpiska ng mga tauhan ng Sanitation Division ng Manila City Hall ang iba’t ibang pagkain at juice na mga expired subalit patuloy na binebenta sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay Boyet San Gabriel, hepe ng Sanitation Division, pawang pinalitan ang mga expiration date ng Lipton Ice Tea at fish crackers na binebenta sa Villalobos at Hidalgo sts. Sa Quiapo.
Sinabi ni San Gabriel na matagal na silang nakakatanggap ng impormasyon hinggil sa bentahan ng mga expired na pagkain kung kaya’t isinagawa na nila ang on the spot inspection.
Dahil dito, agad na nagtungo ang mga tauhan ni San Gabriel sa lugar na kinabibilangan nina Ricky Reytas, Alma Flor Paloma at Roel Romano at dalawang pulis mula sa Quiapo-PCP.
Napag-alaman pa kay San Gabriel na sa ilalim ng R.A. 9711 mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga expired at hindi rehistradong pagkain gayundin ang mga pinalitan ng expiration date.
Tumanggi naman ang mga vendor na sabihin ang kanilang mga pinagkukunan ng expired na pagkain.
Giit pa ni San Gabriel, maging ang mga tingi-tingi at takal-takal na catsup, mayonnaise, soy sauce at iba pa ay bawal na rin. Nasa kustodiya naman ng Lanuza Health Center ang mga nakumpiskang produkto.