MANILA, Philippines - Isang Norwegian ang patay matapos na pagbabarilin ng hindi pa kilalang armadong suspect kung saan isa pang lalaki ang sugatan makaraang tamaan ng ligaw na bala sa lungsod Quezon kahapon.
Ayon kay PO2 Hermogenes Capili, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, kinilala ang nasawi na si Mikael Troy Rasay, 18, binata, at naninirahan sa no. 18 San Francisco St. Brgy. Capitollo, Pasig City. Nagtamo ito ng tatlong tama ng bala ng baril sa likod na tumagos sa dibdib at tiyan na siyang ikinamatay nito.
Ginagamot naman sa East Avenue Medical Center si Arjay Lagdameo, 22, binata, ng B-18 L-9 Jackson Drive. Boardway Pines, Mayamot, Antipolo Rizal.
Mabilis namang tumakas ang suspect na may taas na 5’5, nakasuot ng sando, maikli ang buhok, payat, at may tattoo ng mukha sa balikat sakay ng isang Mazda 3 na kulay gray at plakang XWJ-502 o XWY-502, base sa testigong si Ramon Javier.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa may Timog Avenue, sa lungsod ganap na alas-5 ng umaga.
Batay sa salaysay nina Jovy Katagiri at Maria Kristina Espina, kalalabas lamang umano nila ng biktima sa Excess Super Club sa lugar nang makita nila ang isang komosyon sa pagitan ng isang lalaki at isang babae.
Dahil dito, nagpasya si Rasay na awatin ang dalawang nagtatalo dahilan para magalit ang lalaki at pinagbuntunan siya nito ng galit na nauwi sa pagsusuntukan hanggang sa mapatumba ni Rasay ang lalaki.
Nakita naman ang gulo ng bouncer ng club at inawat ang dalawa hanggang sa bigla na lamang umalingawngaw ang mga putok ng baril para sa biktima.
Dito na nakita ng mga testigo ang suspect na may bitbit ng baril kung kaya’t nagpasya ang biktima na magtago. Ngunit sinundan pa rin ito ng hindi pa nakikilalang suspect at pinagbabaril bago tumakas.
Agad namang itinakbo ng mga testigo sa Capitol Medical Center ang biktima pero idineklara din itong dead on arrival.
Sa imbestigasyon, tinamaan naman ng ligaw na bala si Lagdameo na naroon din at dinala sa EAMC kung saan ito nagpapagaling.
Narekober ng awtoridad sa lugar ang 12 spent shells ng kalibre .9mm na baril na ginamit ng suspect.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.