MANILA, Philippines - Palaisipan sa mga awtoridad ang pagkakatuklas sa dalawang bangkay ng lalaki na kapwa may tama ng bala ng baril sa ulo sa loob ng isang sasakyan sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng mga elemento ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ng Quezon City police ang mga biktima na sina Mark Martial Orillo, 25, driver, ng Sta. Sabina St., Villa Sabina Subdivision, Novaliches Quezon City at ang negosyanteng amo na si Arnel Mendoza, 38, ng Tayuman St., Tondo Manila.
Si Orillo ay may tama ng bala ng baril sa kanyang kanang sentido habang si Mendoza ay may tama ng bala sa kanang mata.
Sinasabing ang dalawang bangkay ay natagpuan sa loob ng isang kulay silver Hyundai SUV (WHG-159) pasado alas-11:35 kamakalawa ng gabi na nakaparada sa panulukan ng Sct. Fuentebella at Sct. Tobias Sts. sa Brgy. Laging Handa, Quezon City.
Blangko pa ang pulisya sa kung sino ang gumawa ng krimen. Habang patuloy pang iniimbestigahan ang insidente.