MANILA, Philippines - Dalawang bagitong pulis ang inaresto ng mga elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos ireklamo ang mga ito ng robbery/extortion sa entrapment operation sa Pasig City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nasakoteng suspect na sina PO1 Edward Galy Panlasigui, 30 at PO1 Ryann Garcia, 30, kapwa nakatalaga sa Eastern Police District Public Safety Battalion na nakabase sa Meralco Compound, Pasig City.
Bandang alas-5:45 ng hapon ng masakote ang mga suspect sa loob ng Caltex Mini Mart sa kahabaan ng Julia Vargas Avenue ng lungsod.
Ang pag-aresto ay isinagawa base sa reklamo ng negosyanteng si Epifanio Plata, 31, Upper Bicutan, Taguig City matapos itong makatanggap ng death threat sa text messages mula sa isang nagpakilalang Ice Remolleno na humihingi ng P70,000.00 na ipinadedeposito sa LBC kapalit ng kanyang kaligtasan at kung hindi umano ay papatayin sa ambush ang biktima.
Sa halip na pagbigyan ang demand ni Remolleno ay dumulog sa PNP-CIDG ang biktima at hiningi ang tulong ng mga operatiba nito na agad namang nagsagawa ng entrapment operation.
Dinakip ang dalawang bagitong parak sa aktong tinatanggap ang marked money kung saan lingid sa kaalaman nito ay nakaposte na ang mga operatiba.
Sa follow-up operation ay nasakote naman si Remolleno na hindi na nakapalag sa mga awtoridad.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga suspek habang karagdagang kasong administratibo naman ang inihain sa dalawang parak.