MANILA, Philippines - Patay ang isang pintor makaraang makursunadahang barilin nang malapitan sa mukha ng isa sa tatlong kalalakihan habang tumatawid sa isang kalsada sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Mario Dela Rosa, 31, ng Katarungan St. Brgy. Batasan Hills, Quezon City. Patuloy naman ang pagsisiyasat ng pulisya upang matukoy ang mga naturang salarin na mabilis na tumakas makaraan ang pamamaril. Nangyari ang insidente sa may IBP Road Corner Kasiyahan St., Brgy Batasan sa lungsod ganap na alas-2:30 ng madaling araw.
Ayon kay Adrian Didit, bayaw ng biktima, papatawid na sila sa nasabing lugar para umuwi nang humarang sa kanilang daraanan ang mga suspect at agad na nilapitan ang biktima.
Mula dito ay agad na naglabas ng baril ang isa sa mga suspect at pinaputukan ang biktima sa mukha. Tinangkang tulungan ni Didit ang biktima pero hinarang siya ng dalawang kasamahan ng gunman hanggang tangkaing barilin mabuti na lang at mabilis siyang nakalayo sa lugar.
Matapos ang pamamaril ay agad na tumakas ang mga suspect patungong Commonwealth Avenue.
Sa pagsisiyasat nabatid kay Didit na bago ang pagharang ay galing umano sila ng biktima sa isang bar malapit sa pinangyarihan ng insidente kung saan habang nagsasaya ay dumating ang mga suspect at umupo sa kanilang mesa. Nang maramdaman ng biktima na kinukursunada sila ng mga suspect ay nagpasya na silang umalis ng bar pero sinundan sila ng mga huli, hanggang pagsapit sa lugar ay nangyari ang insidente.