MANILA, Philippines - Itinuturing ni Dr. Teodoro Martin, hepe ng Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJSGH) sa Binondo, Maynila na suwerte ang mga ipinanganak na quadruplets at triplets sa magkahiwalay na araw sa naturang pagamutan.
Ayon kay Martin, isinilang ang quadruplets na dalawang lalaki at dalawang babae noong Martes, alas-2 ng madaling-araw ni Criselda Odella, 32, ng Tuazon Abad Santos, Tondo, Maynila.
Sa paglabas ng quadruplets, lumobo ang bilang ng mga anak nina Criselda at asawang si Arnold na ngayon ay anim na.
Ipinanganak naman ni Christine Batalon, 24, ng Angolo St., Binondo, Maynila, noong Hulyo 22 ang triplet na pawang mga babae dakong alas-5 ng hapon. Ang ama ng mga ito ay kinilalang si Morrison Batalon, isang estibidor sa pier.
Dumalaw sa mga bagong panganak si Manila Mayor Alfredo Lim kasama ang mga miyembro ng Rotary Club of Manila at Manila City Hall chief of staff Ric de Guzman sa nasabing ospital.
Nagbigay ng pinansyal na tulong ang alkalde at si Banit Caasi Jr., presidente ng nabanggit na Rotary Club kay Odella na nagkakahalaga ng P10,000, habang P5,000 naman kay Batalon.