MANILA, Philippines - Sinampahan ng kaso ng dalawa katao na hinuli dahil sa paninigarilyo ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Nabatid na kinuwestiyon nina Vrianne Lamsen at Anthony Clemente sa pamamagitan ng kanilang abogado na si Atty. Jesus dela Paz ang legalidad ng implementasyon ng “anti-smoking campaign” ng MMDA sa Mandaluyong City Regional Trial Court branch 213.
Nabatid na nahuli ng mga enforcers ng MMDA ang dalawa noong Hulyo 6 na naninigarilyo sa bangketa malapit sa isang mall sa Cubao, Quezon City. Pinagmulta ang dalawa ng P500.
Sa rekkamo nina Lamsen at Clemente na dininig nitong nakaraang Miyerkules, lumalagpas na umano ang MMDA sa basehan ng pagbabawal sa paninigarilyo base sa Republic Act 9211 o Tobacco Regulation Act of 2003. Sinabi ng mga ito na hindi umano kasama ang bangketa sa sinasakop ng batas.
Sa depinisyon ng RA 9211, ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong lugar tulad ng: “enclosed or confined areas of all hospitals, medical clinics, schools, public transportation terminals, and offices, buildings such as private and public offices, recreational places, shopping malls, movie houses, hotels, restaurants and the like.”
Inatasan naman ni Judge Carlos Valenzuela ang MMDA na isinumite ang kanilang komento o oposisyon sa reklamo ng dalawa sa darating na Lunes at magpakita ng presentasyon bilang ebidensya o mga saksi.
Sinabi naman ni MMDA Assistant General Manager for Planning Tina Velasco na hindi patitinag ang ahensya sa pagpapatupad ng smoking ban sa mga pampublikong lugar kahit na umabot na ang usapin sa korte.