MANILA, Philippines - Tatlumpu’t anim na foreign nationals na pawang mga sangkot sa cyber crime ang sinampahan ng kaso ng NBI sa Parañaque City Prosecutors Office matapos maaresto sa isinagawang magkasunod na pagsalakay sa dalawang subdivision sa Parañaque City nitong nakalipas na linggo.
Ayon kay NBI Technical Investigation Division (NBI-TID) Head Agent Lawyer Palmer Mallari sinampahan sa sala ni Parañaque City Public Prosecutor Lamberto Fabros ang 36 sa 38 Chinese nationals kaugnay sa paglabag sa Section 9 ng Republic Act 8484 (or an act regulating the issuance and use of access devices and prohibiting their fraudulent use).
Nabatid na itinakda ang preliminary investigation sa kaso laban sa mga foreign hackers sa Agosto 2 habang nakakulong ang mga ito sa NBI.
Matatandaan na noong Hulyo 20 ay naaresto ng NBI ang 38 na hinihinalang foreign hackers na sangkot din sa cyber crimes sa isinagawang pagsalakay sa Parañaqe City.
Sinabi pa ni Mallari na apat na buwan nang nagsasagawa ng kanilang operasyon ang mga suspect.
Tumanggi namang pangalanan ni Mallari ang mga suspect dahil inaalam pa at bineberipika pa ang kanilang bansa kung China, Taiwan o Hongkong.