Nanampal na guro inireklamo
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong child abuse sa Pasay Women’s and Children’s Desk ang isang guro makaraang akusahan ng isang high school student na nanampal at nambatok sa kanya, nitong nakaraang Biyernes.
Nakilala ang inirereklamong guro na si Crisencia Ventura, ng Pasay City West High School, at nagtuturo ng Social Studies. Nabatid sa reklamo ng 17-anyos na biktima na nagkaroon ito ng pakikipagtalo sa kanyang babaeng kaklase noong nakaraang Hulyo 21.
Inakala umano ng guro na si Ventura na kinukulit ng lalaking mag-aaral ang babae nitong estudyante kaya ito ang pinagalitan at inutusan na isama ang kanyang magulang kinabukasan upang kausapin ang mga ito.
Hindi naman nasunod at hindi naisama ng biktima ang kanyang mga magulang kung saan lalo itong pinagalitan ng guro. Hindi pa nasiyahan sa panenermon, sinabi ng biktima na dalawang beses umano siyang sinampal ng guro.
Nakatakdang ipatawag naman ng pulisya ang naturang guro upang hingan naman ang panig nito sa pagdidisiplina sa lalaking estudyante.
- Latest
- Trending