Manila Zoo hindi isasara
MANILA, Philippines - Nanawagan si Manila Mayor Alfredo S. Lim sa grupong nais ipasara ang Manila Zoo na humanap na lamang ng ibang paraan para makatulong sa mga hayop sa Zoo.
Binanggit ito kahapon ng alkalde sa idinaos na ika-52 taon ng pagkakatatag ng Manila Zoological and Botanical Garden.
Nagpasalamat si Lim sa mga pribadong kompanya na nag-donate sa Zoo at nangako na hindi ito maaaring isara hanggat siya pa ang mayor ng Maynila.
Pinagkaloban ng plaques of appreciation ni Parks and Recreation Bureau director Engineer Deng Manimbo ang mga kompanyang donor sa Zoo kabilang ang Associated Ship Management Services, na gumastos sa filtration system ng bagong tayong tropical pond na pinaglagyan ng iba’t ibang species ng isda na matatagpuan lamang sa South at North America,at Thailand.
Pinangunahan ni Lim ang pagpapakawala ng may 3,000 fingerlings sa lagoon na ginagamit sa pamamangka ng mga namamasyal. Hindi lamang umano libangan, pasyalan kundi educational din ang pakinabang sa Zoo.
Patuloy pa aniya ang pangangalap niya ng donasyong mga hayop para dito mula sa iba’t ibang bansa.
Kasabay nito, tinabla ni Lim ang alok na malawak na lupain sa Tagaytay o Cavite, kapalit ng pagsasara ng Manila Zoo sa Maynila.
- Latest
- Trending