Basurero tinarakan, todas

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang lalaki na sinaksak ng hindi pa kilalang suspect na nakaalitan nito matapos ang pakikipagtalo sa kaniyang live-in partner, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, ang biktimang si  Edgar Parigan, scavenger at walang permanenteng tirahan.

Sa ulat ni  SPO2 Ed Ko, dakong alas-8:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa M. Orosa St.,Ermita, Maynila.

Ayon sa ulat, unang nakipagtalo ang biktima sa kanyang live-in partner na nakilala sa pangalang “Joy”.

Dahil dito, umalis na lamang si “Joy” upang hindi na lumala pa ang away at nagpalipas ng oras sa ibang lugar.

Laking gulat naman ni “Joy” nang makita ang biktima na duguan nang kanyang balikan.

Agad namang sinugod sa Philippine Ge­neral Hospital (PGH) ang biktima subalit agad ring binawian ng buhay.

Teorya ng pulisya, posibleng dahil sa init ng ulo ng biktima ay may napagbalingan ito hanggang sa mapatulan ng saksak.

Gayunman, inaalam pa kung sino ang responsable sa pananaksak.

Show comments