MANILA, Philippines - Bangkay na nang matagpuan ang isang 3- taong gulang na batang babae matapos na malunod nang mahulog ito sa sapa na nasa silong ng kanilang bahay sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan kamakalawa sa lungsod Quezon.
Ayon sa ulat ni PO3 Randy Bantillo, ang biktima ay nakilalang si Michaela Comcom Mendoza, nanunuluyan sa ilalim ng Culiat Bridge sa Brgy. Bahay Toro sa lungsod.
Ayon sa nanay ng biktima na si Mary Jane, iniwan umano niya ang anak sa kapatid nitong si Ella para umigib ng tubig ganap na alas-5 ng hapon.
Subalit, pagbalik niya ay sinalubong siya ni Ella at sinabing ang anak niya ay aksidenteng nahulog sa sapa at agad na nawala dahil sa malakas na agos ng tubig dulot ng buhos ng ulan.
Ilang minuto ang lumipas ay nakita na lang ng mga residente ang biktima na lumutang sa may Dario River, Malao St., Brgy. Masambong.
Agad na pinagtulungang iahon ng mga residente ang biktima sa ilog saka itinakbo sa Prime Medics subalit idineklara rin itong patay ni Dra. Jennelyn Catalbas.