Tambay patay sa kapitbahay

MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang 19-an­yos­ na tambay matapos na pagsa­saksakin ng kanyang kapitbahay nang kursunadahin nito ang bisita ng huli, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Nakilala ang nasawi na si Wilson Franco Jr., residente ng P. Sevilla St., 2nd Avenue, ng naturang lungsod, habang nakatakas naman ang suspect na si Kenneth Paguio, 18, residente rin ng naturang lugar.

Sa ulat ng Caloocan police, naganap ang krimen dakong ala-1 ng madaling-araw sa naturang lugar.  

Naglalakad si Franco papauwi nang harangin ni Paguio at paulit-ulit na saksakin bago mabilis na tumakas.

Nabatid na bago ang insidente, may bisita ang suspect sa kanilang bahay at kinukursunada umanong abangan at bugbugin ng biktima. 

Sinabihan naman ni Paguio ang biktima na huwag gagalawin ang kan­yang bisita at siya ang makakaharap nito. Tila hindi pinakinggan ni Franco ang sinabi ni Paguio hanggang sa ilayo na ito ng kanyang mga kabarkada. 

Matapos namang ihatid ang bisita, inabangan umano ni Paguio si Franco kung saan ito pinagsa­saksak.

Show comments