Tatawid sa police line pagmumultahin, ikukulong
MANILA, Philippines - Pagmumultahin at ikukulong ang sinumang tatawid sa police line kung may krimeng iniimbestigahan.
Ito naman ang nakasaad sa ordinansang inakda ni Manila 2nd District Councilor Rodolfo Lacsamana na ipinasa ng Manila City Council sa ikalawang pagbasa sa pamumuno ni Manila Vice Mayor Isko Moreno bunsod na rin ng umano’y pagdagsa ng mga sibilyan gayundin ang miyembro ng media sa lugar kung saan naganap ang madugong hostage taking sa Luneta Grandstand.
Batay sa ordinansa, pagmumultahin ng P5,000 at pagkakakulong ng 15 araw ang sinumang tatawid o lalagpas sa naka-cordon na lugar habang nangyayari at iniimbestigahan ang isang krimen.
Ayon kay Lacsamana, kahiya-hiya ang sitwasyon noong nagaganap ang hostage crisis dahil ipinakita ng mga awtoridad ang kanilang kahinaan upang mapigilan ang mga sibilyan gayundin ang mga mamamahayag na lumapit sa lugar ng pinangyayarihan ng insidente.
Aniya, hindi maikakaila ang mga usisero sa kasagsagan ng hostage taking noong Agosto 25, 2010 kung saan hinostage ni dating police Sr. Insp. Rolando Mendoza ang 21 Chinese kung saan walo dito ang namatay.
Ang nasabing insidente ay napanood sa buong mundo.
Paliwanag pa ni Lacsamana, ang yellow line na ikinakabit ng mga pulis sa crime scene ay palatandaan na hindi awtorisadong pumasok o lumapit dito ang mga bystander dahil nanatili ang panganib.
Dagdag pa ni Lacsamana na ang ordinansa ay magsisilbing batayan ng mga awtoridad sa panahon ng krisis upang mas maging maayos ang paghawak at pag-iimbestiga.
- Latest
- Trending