Manila, Philippines - Nakumpiska ng mga tauhan ng Mayor’s Complaint and Action Team (MCAT) ang iba’t ibang uri ng sex toys at sex gadgets na tinitinda ng isang stall sa loob mismo ng 11/88 mall sa Binondo, Maynila.
Kasabay nito, dinakip din ang may-ari ng tall na si Atong Lu, 62, residente ng #1610 Bambang St., Sta. Cruz, Maynila at tauhan nitong si Theresa dela Cruz, 25, ng Grace Park, Caloocan City.
Ayon kay MCAT chief Ret. Col. Franklin Gacutan, isang impormasyon ang kanilang natanggap na may nagbebenta ng mga sex gadgets, sex enhancing drugs at iba pang pornographic materials ang stall ni Lu.
Upang makumpirma ang impormasyon, agad na inutusan ni Gacutan ang kanyang mga tauhan na sina Randy Samson at Reginald Perez na magpanggap na buyer.
Dito ay nakumpirma ang impormasyon hanggang sa isagawa ang pagsalakay kung saan nakita ang mga sex toys at sex enhancing drugs na nakatago sa mga cabinet ng stall.
Lumilitaw na ang mga sex enhancing drugs ay hindi rehistrado sa Food and Drugs Administration (FDA).
Sinabi ni Gacutan na mahigpit ang kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim laban sa mga malalaswang kagamitan at babasahin na umano’y isa sa mga dahilan ng pagtaas ng bilang ng rape case. Aniya, si Lu at dela Cruz ay sasampahan ng paglabag sa City Ordinance 7780 o anti-obscenity and pornography ordinance.