Manila, Philippines - Tinatayang nasa P2-milyong halaga ng koleksiyon mula sa mga sangay ng Mercury Drugstores ang nawawala na sinasabing natangay mula sa armored van, sa tapat ng Robinsons Place mall, Adriatico st., Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Isinasailalim naman sa interogasyon ng Manila Police District-Theft and Robbery Section ang apat na security escort ng armored van sa kahilingan ng complainant na si Elizer Tomas, 59 , general manager ng Royal Mandarin Security Services Corporation, sa no. 54-B San Pedro Bautista st.,Brgy. Damayan, San Francisco Del Monte Quezon City.
Ang apat na kasalukuyang pinipigil sa MPD-TRS ay kinilalang sina Ronald Olorvida, 29 escort guard , ng #11 Bicol Brigade,Tatalon, Quezon City; Wilfredo Apolinar, 31, driver guard, residente ng St. Forest Hills, Novaliches,Quezon City; Edgardo Avila, 41, escort guard ng #258 Matahimik St., Pangarap Village, Caloocan City at Amador Tolentino, 48, verifier/teller, ng #050 Purok 7 Bagong Tanyag, Taguig City, pawang mga empleyado ng nasabing security agency.
Sa report ni SPO2 William Gondranios, dakong alas-3 kamakalawa ng hapon nang madiskubre umano ng apat na guwardiya na nawawala na ang P2 milyon sa vault ng nasabing armored van ng ATPI (Armored Transport Plus Inc.) na may body number na 3365 habang nakaparada sa tapat ng Robinsons Place sa Adriatico st., Ermita, Maynila.
Sinabi ni Tomas na dakong alas 4-ng hapon nang makatanggap ito ng tawag sa mga guwardiya hinggil sa nawawalang P2-milyon na laman ng vault matapos umanong masalisihan.
Nagtataka si Tomas kung bakit masasalisihan gayung ang tumatayong driver na security ay bantay ng van na hindi maaring umalis sa puwesto habang ang dalawa ay escort guard naman ay sumasama sa teller/verifier sa pagkuha ng koleksyon hanggang sa makabalik sa nasabing sasakyan at ang isa naman ay nakapuwesto sa likod ng armored van.
Duda rin si Tomas kung bakit may nakitang duplicate key si SG Avila gayung siya lamang ang dapat na mayroong kopya ng susi habang ang kolektor lang ang may kinalaman sa combination ng safety vault para mabuksan.
Sinisilip din ng pulisya kung inside job ang pangyayari.