Away sa lupa: 2 todas, 4 pa sugatan
Manila, Philippines - Dalawa katao ang nasawi habang apat pa ang malubhang nasugatan matapos pagbabarilin ang mga ito ng mga guwardiya nang magtalo hinggil sa lupa sa Caloocan City kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot sanhi ng tama ng bala sa ulo si Rommel Fordades, habang hindi na umabot ng buhay sa San Lorenzo Ruiz Hospital sanhi ng tama ng bala sa katawan si Sulaiman Gomez, 45, kapwa ng Pangarap Village ng nabanggit na lungsod.
Inoobserbahan din sa nasabing ospital sanhi rin ng mga tama ng bala sa katawan sina Diosdado Cacal, Henry Abaigar, Godolfredo Reyes at Wilfredo Matotina, pawang mga residente din ng nabanggit na lugar.
Sa inisyal na report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng umaga, habang nagbabarikada ang mga residente sa Gregorio Araneta Avenue, Pangarap Village upang hindi makapasok sa kanilang lugar ang mga guwardiya ng Carmel Development.
Dito na nagkaroon ng kantiyawan sa pagitan ng mga residente at mga guwardiya na naging dahilan nang pagtatalo.
Sunud-sunod na nagpaputok ng baril ang mga guwardya na naging dahilan upang tamaan ang mga biktima.
Nabatid na nagkaroon ng tensiyon matapos maghabol ang mga Araneta na kanila ang mga lupa sa nasabing lugar na tinututulan naman ng mga residente.
Nangako naman ang pamunuan ng Carmel Development sa mga pulis na makikipagtulungan upang mapanagot kung sino ang mga nagpaputok sa kanilang mga guwardiya.
- Latest
- Trending