MANILA, Philippines - Agaw-buhay ang isang lalaki nang barilin ito ng isa sa dalawang holdaper matapos pumalag ang una kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Ginagamot sa FEU hospital sanhi ng tama ng bala sa leeg si Norman Consenes, 33, ng Dela Costa Homes, San Jose del Monte, Bulacan. Nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya laban sa hindi pa nakikilalang mga holdaper.
Dakong alas-6:30 ng gabi ng maganap ang insidente habang sakay ang biktima at mga suspect sa isang pampasaherong jeep at pagsapit sa Ilang-Ilang St., Bagong Silang ng nabanggit na lungsod ay dito na nagdeklara ng holdap ang mga suspek. Kinuha ng mga suspek ang mga pera at gamit ng ibang pasahero, subalit pagtapat kay Consenes ay nanlaban ito. Isa sa mga suspek ang bumaril sa biktima bago nagsitakas habang dinala naman si Consenes sa nasabing ospital.