MANILA, Philippines - Patay ang isang magtataho makaraang tagain ng samurai ng isang lalaki na tumulong sa away ng kanyang nakakatandang kapatid, kamakalawa ng hapon sa Las Piñas City.
Binawian ng buhay dahil sa pagkaubos ng dugo ang biktimang si Gino Pacificador, 39, ng Casimiro Compound, Rosal St., Vergonville Pulanglupa 2, ng naturang lungsod.
Tumakas naman ang suspect na si Rodrigo Biocarles, kasama ang kanyang sugatang kapatid na si Jessie, kapwa nakatira rin sa naturang lugar makaraan ang pananaksak.
Lumabas sa imbestigasyon na nag-iinuman ang biktima at si Jessie Biocarles dakong ala-1:30 ng hapon nang magkaroon ng mainitang pagtatalo.
Humantong ito sa pananaksak ni Pacificador kay Jessie na nasaksihan naman ng nakakabatang kapatid nitong si Rodrigo. Agad na pumasok ng kanilang bahay si Rodrigo at lumabas dala na ang isang samurai. Dito paulit-ulit na pinagtataga ni Biocarles si Pacificador hanggang sa hindi na ito gumagalaw saka tumakas kasama ang kanyang kuya na si Jessie.