MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na walang pasok ang mga pribado at pampublikong paaralan mula sa kindergarten, elementarya at high school sa Quezon City sa araw ng Lunes.
Ang suspension ng klase ay inanunsiyo ni Dr. Corazon C. Rubio, Officer-In-Charge ng School Division Superintendent ng DepEd kaugnay sa isasagawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay Dr. Rubio, upang hindi masayang ang hindi pagpasok ng mga estudyante sa Lunes ay magkakaroon naman ng pasok o ‘make-up classes’ sa susunod na araw ng Sabado.
Sinabi naman ni Kenneth Tirado, chief ng Public Information Office (PIO) ng DepEd, layunin nilang hindi maapektuhan ang mga batang mag-aaral sa kanilang pagpasok sa paaralan kaya sinuspinde nila ang klase dahil sa inaasahang magdudulot ng sobrang sikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa lungsod, kasabay ng SONA ng Pangulo dahil na rin sa mga kilos-protesta na isasagawa ng mga militanteng grupo.