MANILA, Philippines - Umaabot sa P2.2-milyong halaga ng mga imported na damit na ‘ukay-ukay’ ang nasamsam ng mga elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa serye ng raid sa apat na bodega sa Metro Manila, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., dakong alas-5 ng hapon ng simulan ang magkakasunod na-raid sa mga bodega ng ‘ukay-ukay’ sa Banaue, Quezon City; Tayuman, Manila, Caloocan City at Sta. Cruz, Manila.
Ang raid ay isinagaa sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Edgardo Caldona ng Branch 65 ng Makati Regional Trial Court kaugnay ng paglabag sa Republic Act 4653 na mahigpit na nagbabawal sa commercial importation ng mga tela at damit na ‘ukay-ukay’.
Isinailalim na sa kustodiya ng CIDG-DSDO ang mga nasamsam na ‘ukay-ukay’ habang inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa may-ari ng mga bodega.