38 foreign hackers, timbog ng NBI
MANILA, Philippines - May 38 foreign hackers na hinihinalang sangkot din sa cyber crimes ang naaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation sa isinagawang hiwalay na raid sa dalawang subdibisyon sa Parañaque City, kahapon ng madaling-araw.
Bitbit ng NBI ang search warrant na inisyu ni Parañaque Regional Trial Court Judge Jaime Guray nang pasukin ng mga ito ang #421 Orbit St., Aeropark, Don Bosco, Better Living Subd. at ang Lot 1 Block 5, Galatia St., Multinational Village, sa Parañaque dakong alas-4:00 ng madaling-araw kahapon.
Ayon sa ulat ni NBI-Technical Investigation Division (NBI-TID) Head Agent, Atty. Palmer Mallari, ang grupo na nadakip sa operasyon ay katulad ng isang call center at ito ay follow-up lamang sa naging raid nila noong Disyembre.
Tumanggi muna si Mallari na ilantad ang mga pangalan ng mga arestadong dayuhan dahil kinukumpirma pa nila kung sa China, Taiwan o Hong Kong nagmula ang mga suspect.
Matatandaang noong Disyembre 24, inoperate ng NBI ng isang Chinese telecommunications, internet and credit card fraud syndicate na kumita umano ng P6 bilyon sa loob lamang ng 6-na-buwang operasyon sa Pilipinas sa walong safe house nila sa Metro Manila.
Nagpapakilalang mga hukom, piskal at police officers ang mga suspect sa kanilang binibiktima sa Mainland China at Taiwan.
Nakumpiska mula sa nasabing raid ang computer parts, phone adaptors at iba pang Information Technology devices na gamit sa credit card fraud.
Sasampahan ng paglabag sa Republic Act 8484 (an act regulating the issuance and use of access devices and prohibiting their fraudulent use) ang mga suspect.
- Latest
- Trending